Tumigil ka sa harap ko isang araw ng Sabado.
Sapagkat ako’y nagmamadali, ayoko sanang sumakay sayo
ngunit ng makita ko ang mukha mo, naantig ang puso ko,
kawawa ka naman dalawa lang ang pasahero mo.
Ako’y sumakay ng may dalawang isip,
subalit sa huli, binalewala ang ligalig,
tiwala ko sayo’y binigay,
nang pinangako mong hindi tayo maghihintay.
Inabot sayo ang aking sampung piso, akala ko paglalakbay ay dire-direcho,
ngunit sa may kanto ika’y huminto
ng humigit kumulang
tatlumpong minuto.
Sabi ko nga sayo, ako’y nagmamadali,
sapagkat sa trabaho ako’y mahuhuli,
subalit ikaw pala ay makasarili,
mapuno ang iyong jeepney ang sa isip mo’y namumutawi.
Kuno’t noo
tiningnan ko ang aking orasan, lintek na, malapit ng mag ika-siyam, kaya ako’y bumaba na lang ng may bus na paparaan.
Magkahalong inis ang naramdaman,
sa susunod di na kita pagkakatiwalaan.
Sayo na po aking sampung piso,
kesa naman matanggal pa ako sa trabaho.
Kapag nagka gano’y wala na akong pambayad sayo.
Naiintindihan kong ikaw ay naghahanap buhay lang din naman,
ngunit akong pasahero mo’y ganoon din naman.
Intindihan mo din sana aking kahilingan,
upang sa ganoo’y maganda ang usapan.

Advertisements